PAUMANHIN SA MGA RESIDENTE NG BRGY. STA. MONICA

PAUMANHIN SA MGA RESIDENTE NG BRGY. STA. MONICA

Setyembre 12, 2026 (Sabado)

Humihingi po kami ng paumanhin sa paglabo ng tubig na patuloy na nararanasan ng ilang residente sa Brgy. Sta. Monica.

Ang kondisyon pong ito ay may kaugnayan sa muling pagbubukas ng Sta. Veronica Production Well, na sumailalim sa rehabilitasyon at matagal na napahinto sa operasyon. Sa muling pagbubukas po nito, kasabay ng biglaang paglakas ng pressure ng tubig, ay natutulak palabas ang mga naipong sediments at debris sa mga linya, na nagiging sanhi ng paglabo ng tubig.

Patuloy po ang pagsasagawa ng flushing ng aming Operations Team upang maalis ang mga naipong sediments at debris sa mga linya at makatulong na maibalik ang malinaw na water supply sa mga apektadong lugar.

Kung patuloy po kayong makaranas ng paglabo ng tubig o pagbabara ng inyong water meter, mangyaring mag-message lamang po sa aming official Facebook page: San Pablo City Water District. Ibigay po ang kinakailangang impormasyon tungkol sa inyong lugar at concern upang agad na mapuntahan ng aming Operations Team at maisagawa ang kaukulang aksyon.

Ang rehabilitasyon at muling pagbubukas ng Sta. Veronica Production Well ay bahagi ng aming pangmatagalang solusyon sa problema ng kakulangan sa supply ng tubig sa Brgy. Sta. Monica at mga kalapit na barangay. Patuloy po ang SPCWD sa pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang at paghahanap ng mga solusyon upang matugunan ang mga hamon sa water supply at magkaroon ng mas maaasahan at sapat na supply ng tubig para sa mga residente ng Lungsod.

Muli po ang aming paghingi ng paumanhin sa abalang dulot nito. Maraming salamat po sa inyong pang-unawa, pasensya, at pakikiisa.