15 OKTUBRE 2026 | SPCWD, PINALAKAS ANG MGA PLANO SA PAGHARAP SA SUPER EL NIÑO

SPCWD - CREAS

Ang San Pablo City Water District (SPCWD) ay nagsasagawa ng maagap na mga hakbang upang tugunan ang mga hamon na dulot ng Super El Niño phenomenon. Bilang bahagi ng paghahanda, nagsagawa ang SPCWD ng pagpupulong noong nakaraang lingo, Oktuber 6, 2026, upang talakayin ang mga estratehiya sa mitigasyon at tukuyin ang mga responsibilidad ng bawat departamento.

Sa naturang pagpupulong, tinalakay at binigyang prayoridad ang sumusunod na mga hakbang:

• Pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga production wells upang mapanatili ang supply ng tubig.

• Patuloy na pagpapatakbo ng mga kritikal na production wells upang matiyak ang tuloy tuloy na supply kahit bumababa ang mga bukal.

• Pagbubukas muli ng mga dating isinara na production well upang madagdagan ang kapasidad ng supply ng tubig.

• Pagtatayo ng karagdagang production wells / shallow wells para sa pangmatagalang katatagan ng supply.

• Pakikipag-ugnayan sa Lokal na Pamahalaan (LGU) para sa pabubukas muli ng LGU Bulk Water system facility.

• Pagpapatupad ng mga polisiya sa konserbasyon at patas na iskedyul ng distribusyon ng tubig.

• Paghahanda ng mga teknikal na ulat para sa pagsusumite sa Local Water Utilities Administration (LWUA).

• Pagsubaybay sa antas ng produksiyon ng tubig upang maagap na matukoy ang kakulangan.

• Pagtiyak na may sapat na supply ng materyales para sa agarang pagkukumpuni ng mga tagas.

• Pagsasagawa ng mabilis na pagkukumpuni ng mga tagas upang mabawasan ang Non Revenue Water at mapangalagaan ang supply.

Binibigyang diin ni GM Ar. Michael M. Manansala ang kahalagahan ng mga hakbang na ito:

“Nakatuon ang SPCWD sa pagbibigay ng maaasahang serbisyo sa ating mga concessionaires sa kabila ng hamon ng Super El Niño. Sa pamamagitan ng mga konkretong hakbang na ito, pinangangalagaan natin ang kapakanan ng komunidad at pinatibay ang ating kakayahang harapin ang epekto ng pagbabago ng klima.”

Patuloy na makikipagtulungan ang SPCWD sa mga stakeholder upang ipatupad ang praktikal at napapanatiling solusyon laban sa epekto ng Super El Niño.