SAN PABLO CITY WATER DISTRICT
Maharlika Highway
San Pablo City
PRESS RELEASE
MARSO 22, 2022
San Pablo City Water District, Nakikiisa sa Pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Kababaihan 2022
SAN PABLO CITY – Alinsunod sa Presidential Proclamation Nos. 224 at 227 at Republic Act (RA) No.6949, tuwing buwan ng Marso ay ipinagdiriwang ang National Women’s Month na kabahagi ng pandaigdigang pagdiriwang ng International Women’s Day (IWD).
Ang pagdiriwang ngayong taon ay bahagi pa rin ng temang “We Make Change Work For Women” na inilunsad noong taong 2017, at magtatapos ngayon sa ika-anim nitong taon na may nakapaloob na temang: “Agenda ng Kababaihan, Tungo sa Kaunlaran.” Hangarin ng selebrasyong ito na ipagdiwang ang mga kababaihan na nagbibigay ng boses sa pagbabago upang mapa-unlad ang ekonomiya, lipunan, kultura at politika ng bansa.
Sa patuloy na pagsusulong ng Philippine Commission on Women (PCW) tungo sa Gender Equality and Women’s Empowerment (GEWE), inilunsad ang mga programa na tutulong na makapukaw ng pansin at makapagbigay ng kaalaman tungkol sa mga panawagan at mga platapormang pang-kababaihan. Isinasagawa ngayong buwan ng Marso sa San Pablo City Water District ang ilan sa mga programang ito sa pangunguna ni Board Chairperson Brigida B. Alican, katuwang sina General Manager Renato A. Amurao, Chairperson ng GAD-Execom at Dept. Manager for Administrative Services, Mildred C. Morga at iba pang mga miyembro ng SPCWD Women’s Committee.
Naghanda din ang San Pablo City Water District ng iba pang mga palatuntunan na naaayon sa tema ng National Women’s Month. Noong ika-7 ng Marso ay sinimulan na ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pagdaraos ng Zumba Fitness sa main office grounds ng Distrito. Ito ay patuloy na isasagawa hanggang sa pagtatapos ng buwan.
Isa sa natatanging programa ng San Pablo City Water District para sa mga kababaihan ay ang Trabaho Mo, Kayo Ko na sinimulan pa noong 2017. Layunin nito na bigyan ang mga kababaihan ng pagkakataong gawin ang mga trabahong sa palagay ng karamihan ay pang-lalaki lamang katulad ng pagtutubero, pagmamaneho ng mga heavy-equipment vehicles, meter reading, water meter calibration, at iba pa. Dito ay mabibigyang-pansin ang kakayahan at kapasidad ng mga babae na gampanan ang mga trabaho na madalas ay nakikita lamang na ginagawa ng mga lalaki.
Ginanap naman noong Marso 16 ang isang araw na livelihood workshop tungkol sa organic farming kung saan tinuruan ang mga kababaihang empleyado ng paggawa ng organic fertilizers na maaari nilang gamitin sa kanilang mga pananim sa bahay o kaya naman ay gamitin ito pang-negosyo. Mayroon ding mga paligsahang inilunsad katulad ng Juana Sings, Musika ng Kababaihan Fridays, NWMC Banner of Support - Poster Making Contest at Purplish Office kung saan maibibida naman ng mga empleyado ng iba’t ibang departamento ang kanilang talento sa musika at sining.
Ang huling bahagi ng pagdiriwang ay ang SPCWD Women’s Night na may temang “Babae Ako, Ikinararangal Ko” na gaganapin sa ika-25 ng Marso sa Casa San Pablo, Brgy. San Roque, San Pablo City. Limang taon na itong idinaraos ng San Pablo City Water District upang bigyan ng parangal at pagkilala ang mga natatanging kababaihan ng Lungsod ng San Pablo na nag-ambag ng kanilang kakayahan at serbisyo para sa patuloy na pag-angat at pag-unlad ng Lungsod.
Ang San Pablo City Water District ay walang tigil na makikiisa para makatulong sa pagpapalawak sa mga adbokasiyang nagbibigay ng kakayahan at nagdudulot ng pagbabago para sa mga kababaihan. (Cherry Mae C. Cimatu)
Ang mga kababaihang empleyado ng San Pablo City Water District sa isinagawang na Livelihood Workshop noong Marso 15, 2022 sa Gintong Bukid Farm & Leisure, Nagcarlan, Laguna.